Ang simula ng wakas.


Paano nga ba natapos kung wala naman simula?Bakit naubos ang bawat salita?Saan ko nga ba sisimulan ang kwentong tinapos na?

Alam ko kung saan ako lulugar sa buhay mo. Abot tanaw, abot kamay pero hindi pwedeng manatili sa tabi mo. Hindi pwedeng sabihin ang mga katagang “Mahal kita” dahil kung sa iba ito ang simula, sa kwento natin ito ang magwawakas.

Tikom ang bibig, pigilan ang puso. Mga paalalang ulit ulit na tumatakbo sa isip ko tuwing ikaw ang kasama ko.

Gusto kong simulan ang umaga na ikaw ang kasama pero bago matapos ang gabi ramdam ko na walang pag-asa. 

Ito na nga ata ang wakas ng sinimulan ko. Sasambitin ang mga katagang tatapos sa kwento ng ikaw at ako. Mahal kita, yan ang totoo.

Advertisements

Ang huling Ikaw at Ako.

Ang huling Ikaw at Ako.

Paano nga ba mag paalam?
Sapat na ba ang mga salitang “Aalis na ako”?
Pwede bang idaan ko na lang sa tula?
Bubuka pa lang kasi ang bibig ko bumubuhol na ang dila ko.

Mahal kita, yan ang nararamdaman ko.
Mahal mo ako, yan ang akala ng puso ko.
Nasa atin na lahat ng oras at pagkakataon.
Pero hindi pala sapat yun para manatalili tayo.

Lagi kitang nakikita at nakakausap.
Magkasundo ang bawat kulot na bahagi ng utak natin.
Kaya mo kong patawanin sa mga oras na pakiramdam ko binagsak sakin ang buong mundo.
Kaya mong patahimikin ang maingay na utak ko gamit lang ang mga mata mo.

Ikaw ang laman ng bawat tula ko.
Ikaw ang bida sa kuwento ng Ikaw at Ako.
Ikaw ang parte ng istorya ko na gusto kong ipagsigawan sa buong mundo.
Dahil ikaw ang Mahal ko.

Pero hindi ito sapat
Hindi ako sapat para sayo.
Laging may kulang, laging may mali.
Hindi na ako tumama sa puso mo.

Durog na ang mga pangarap ko.
Marupok na ang puso kong nagmamahal sayo.
Sa ating dalawa ako lang ang nagmamahal.
Alam ko na na hindi ako ang mahal mo.

Ito na nga ata ang araw na yun.
Ang araw na tatalikod ako at lalakad palayo sayo.
Dahil pagod na akong harapin ka
Dahil pagod na akong harapin ang katotohanan na kahit magkaharap tayo, hindi mo ako makikita.

Tula para kay Pag-ibig

Sa bawat araw na dumaan na wala ka

Ako’y nangungulila sa’yong pagsinta

Hinihintay ang araw na magbabalik ka

Makakasama kang muli o aking sinta

 

Sa bawat minutong hindi ka kasama

Ang iyong ngiti ay aking naaalala

Ang pagmamahal mong tunay at dakila

Sa puso ko’y kailanman hindi mawawala

 

O pag-ibig kong ibinigay ni bathala

Ako’y nananabik na muli kang makasama

Sa iyong pagbabalik sa aking piling

Buhay kong inalay, sa’yo lang ibabaling

 

Sa muli nating pagkikita aking mahal

Maiibsan ang paghihintay kong kay tagal

Mga sandaling wala ka, oras ay kay bagal

Masaya ‘kong dininig n’ya ang aking dasal

 

Ang pagmamahalan nating parang tubig

Walang hangganang pag agos ng pag-ibig

Ang puso kong sa’yo lamang pumipintig

Mananatili ito sa iyong bisig

 

Hindi na ako makapag hintay, irog ko

Sabik na sabik na ang puso kong ito

Makasama ka hanggang magunaw ang mundo

Ikaw lamang hanggang matapos ang buhay ko.

Matalas.

Ang salitang binitiwan mo na kailan ma’y di mo na mababawi pa.

 

Ilang beses na ba kitang pinatay sa talim ng dila ko?

Ilang marka na ba ng mga salitang binitiwan ko ang tumatak sa puso mo?

Mga biro ko na unti-unti pa lang nagtataboy palayo sa’yo.

 

Nasasaktan na pala kita sa paraang hindi ko alam

Nadudurog ko na pala ang puso mong nagmamahal

Kung alam mo lang ang tunay kong nadarama…

 

Minamahal kita, hindi ko lang maipakita.

Takot ang puso mo.

Tumatakbo ka na naman sa isip ko.

Hindi pa ba napapagod ang puso mo?

Saan nga ba patungo ang pagmamahal na ito?

Aandar ba ito kung hindi naman nagsasalita and bibig mo.

 

Mahal kita, yan ang sabi ng mga mata mo.

Mahal kita, yan ang sigaw ng puso mo.

Nabasa ko na lahat ng kilos mo.

Salita mo na lang ang hinihintay ko.

 

Mahal kita, yan ang gusto kong marinig mula sa’yo.

Mahal kita, yan ang totoo.