Ang tunay na Ikaw sa kwento ng Ikaw at Ako. 

Ang dami ng sanga ng kwento ng ikaw at ako.

Kwentong simula at dulo lang ang meron.

Walang gitna dahil hindi pa nga nagtatagal ang simula, tinatapos ko na agad ito.

Ano ba talagang meron sa kwento ng ikaw at ako?

Sino nga ba ang Ikaw sa kwentong ito?

Sa dami ng bersyon ng istoryang ito bakit hindi ko magawang ilahad kung sino nga ba ang tinutukoy ko.

Ikaw yung parte ng buhay ko na hindi ko magawang ikuwento.
Takot akong aminin na ako ang dahilan bakit natapos ang kwento ng Ikaw at Ako.

Pano ko nagawang bitawan ang mga pangarap natin at tuluyang tumalikod palayo sa istoryang ito.

Ako yung umalis, nangiwan.
Iniwan sa ere yung taong walang ibang mahal kung hindi ako.

Pero, sa akin nag marka yung sakit na ibinigay ko sayo.

Apat na taon kong dinala.
Natakot akong ibigay ang puso ko sa iba.

Minulto ako ng kasalanan ko sayo.

Hindi ko nagawang patawarin ang sarili ko.

Apat na taon ang lumipas,
Nakita kita masaya ka na. 

Wala ng bakas ng sakit na dinulot ko sayo.

Ngiting nagbigay laya sa puso ko para maging masaya na muli.

Salamat Popoy
Pwede ko na ngayong lagyan ng tuldok at isara ang libro ng Ikaw at Ako.

Advertisements

Ang simula ng wakas.


Paano nga ba natapos kung wala naman simula?Bakit naubos ang bawat salita?Saan ko nga ba sisimulan ang kwentong tinapos na?

Alam ko kung saan ako lulugar sa buhay mo. Abot tanaw, abot kamay pero hindi pwedeng manatili sa tabi mo. Hindi pwedeng sabihin ang mga katagang “Mahal kita” dahil kung sa iba ito ang simula, sa kwento natin ito ang magwawakas.

Tikom ang bibig, pigilan ang puso. Mga paalalang ulit ulit na tumatakbo sa isip ko tuwing ikaw ang kasama ko.

Gusto kong simulan ang umaga na ikaw ang kasama pero bago matapos ang gabi ramdam ko na walang pag-asa. 

Ito na nga ata ang wakas ng sinimulan ko. Sasambitin ang mga katagang tatapos sa kwento ng ikaw at ako. Mahal kita, yan ang totoo.

Ang huling Ikaw at Ako.

Ang huling Ikaw at Ako.

Paano nga ba mag paalam?
Sapat na ba ang mga salitang “Aalis na ako”?
Pwede bang idaan ko na lang sa tula?
Bubuka pa lang kasi ang bibig ko bumubuhol na ang dila ko.

Mahal kita, yan ang nararamdaman ko.
Mahal mo ako, yan ang akala ng puso ko.
Nasa atin na lahat ng oras at pagkakataon.
Pero hindi pala sapat yun para manatalili tayo.

Lagi kitang nakikita at nakakausap.
Magkasundo ang bawat kulot na bahagi ng utak natin.
Kaya mo kong patawanin sa mga oras na pakiramdam ko binagsak sakin ang buong mundo.
Kaya mong patahimikin ang maingay na utak ko gamit lang ang mga mata mo.

Ikaw ang laman ng bawat tula ko.
Ikaw ang bida sa kuwento ng Ikaw at Ako.
Ikaw ang parte ng istorya ko na gusto kong ipagsigawan sa buong mundo.
Dahil ikaw ang Mahal ko.

Pero hindi ito sapat
Hindi ako sapat para sayo.
Laging may kulang, laging may mali.
Hindi na ako tumama sa puso mo.

Durog na ang mga pangarap ko.
Marupok na ang puso kong nagmamahal sayo.
Sa ating dalawa ako lang ang nagmamahal.
Alam ko na na hindi ako ang mahal mo.

Ito na nga ata ang araw na yun.
Ang araw na tatalikod ako at lalakad palayo sayo.
Dahil pagod na akong harapin ka
Dahil pagod na akong harapin ang katotohanan na kahit magkaharap tayo, hindi mo ako makikita.

Tula para kay Pag-ibig

Sa bawat araw na dumaan na wala ka

Ako’y nangungulila sa’yong pagsinta

Hinihintay ang araw na magbabalik ka

Makakasama kang muli o aking sinta

 

Sa bawat minutong hindi ka kasama

Ang iyong ngiti ay aking naaalala

Ang pagmamahal mong tunay at dakila

Sa puso ko’y kailanman hindi mawawala

 

O pag-ibig kong ibinigay ni bathala

Ako’y nananabik na muli kang makasama

Sa iyong pagbabalik sa aking piling

Buhay kong inalay, sa’yo lang ibabaling

 

Sa muli nating pagkikita aking mahal

Maiibsan ang paghihintay kong kay tagal

Mga sandaling wala ka, oras ay kay bagal

Masaya ‘kong dininig n’ya ang aking dasal

 

Ang pagmamahalan nating parang tubig

Walang hangganang pag agos ng pag-ibig

Ang puso kong sa’yo lamang pumipintig

Mananatili ito sa iyong bisig

 

Hindi na ako makapag hintay, irog ko

Sabik na sabik na ang puso kong ito

Makasama ka hanggang magunaw ang mundo

Ikaw lamang hanggang matapos ang buhay ko.

Marupok na puso.

Marupok na puso.

Gusto ko ng tumakbo palayo sayo.

Unti-unti nangingibabaw na ang takot sa puso ko.

Nahuhulog na ko at hindi ko na alam kung paano ppigilan.

Nung una sinubukan ko na iwasan. Wag pansinin.

Umaasa na isang umaga pag gising ko wala na.

Balik na sa normal ang mundo ko.

Pero mali.

Lalo lang siyang tumindi.

Hindi pag-ibig na nakuha ng biglaan.

Pag-ibig na pinagtibay ng mga araw na kasama ka.

Hindi ako mahirap basahin.

Kung titignan mo lang ang mga mata ko makikita mo ang sarili mo.

Ikaw ang hinahanap ko sa umaga pag dating ko.

Hinahanap ko ang boses mo sa tuwing may mga naguusap.

Ikaw ang nasa isip ko kahit masaya ang mga tao sa paligid ko.

Ikaw.

Bakit laging ikaw?

Dinaya mo ang puso ko.

Sinabi mo noon na hindi ka hadlang.

Umasa ko na hindi ako mahuhulog.

Pero mali.

Pinaramdam mo sakin na wala mang kabuluhan ang kabaliwan ko, kaya mo pa din sakyan.

Nabahag ang buntot ko noong araw na nagsalubong ang kilay mo at umalingawngaw ang katahimikan.

Naramdaman ko noong oras na iyon kung gaano ka kahalaga.

Na hindi kita kayang tiisin dahil ayokong lumipas ang mga araw na wala ka.

Tinuruan mo ‘kong mahalin ka.

Hindi ko sinasadya.

Marupok ako tulad ng kahoy na laging nababasa ng ulan.

Inalis mo ang maskara na nagtatago sa tunay na ako.

Mahal ko ang sarili ko pero mas nagawa kong mahalin ito dahil sayo.

Pero mali.

Ipinaramdam mo lang sa akin ang lahat ng ito.

Hindi mo sinabi.

Hindi galing sa bibig mo.

Ngayon, naghihinagpis ang puso ko dahil sa unti-unting paglayo mo.

Sana ituro mo din sakin kung paano ka maalis sa sistema ko.